‘Gusto ko nang umuwi’

Sa mahigit 200 tao na pansamantalang naninirahan sa Brgy. Bagong Silangan covered court sa Lungsod ng Quezon dahil sa lagpas-taong bahang dala ng bagyong Gener, makikita mo ang batang may suot na rosaryo sa leeg. Si Raymond yun.

IMG_7522

“Napulot ko ang rosaryo doon sa sapa malapit sa bahay noong limang taong gulang ako. Simula noon ay lagi ko nang suot ito at siyang ginagamit ko kapag nagsisimba,” lahad ni Raymond Galanza na ngayon ay nasa edad na 10 na.

Habang ang sapang iyon ang nagbigay ng kanyang “kwintas” ay siya ring nagbibigay-pangamba kapag umuulan nang malakas.

“Natatakot talaga ako. Hindi ko nga alam kung bakit malakas ang ulan. Basta ang alam ko, bumabaha na sa amin,” aniya habang hinahawakan ng kaniyang kanang kamay ang rosaryo at itinutuon ang direksyon ng mga mata sa kaliwa.

IMG_7524

Ala una ng madaling araw noong Lunes nang gisingin siya ng kaniyang lola Perla. Nagsisimula na kasing tumaas ang tubig sa bahay nila.

“Ang una kong ginawa ay inayos ang mga damit na dadalhin namin. Tapos kay papa ‘yung malalaking bag. Hindi ko kasi mabubuhat ‘yun, e,” paglalahad ni Raymond.

Alam na alam niya na raw kasi kung anong gagawin. Sa dalawang malalakas na bagyong nagdaan, Ondoy at Pedring, napilitan silang pamilya na lumikas.

IMG_7801 copy

“Doon kami pumunta sa Fil Invest, sa tiyuhin ko. Ang dami kasing tao at bangkay dito sa covered court. Nakakatakot,” kuwento ni Raymart, ang nag-iisang kapatid ni Raymond.

Biglang nanlumo ang mga mata niya. Nanahimik siya. Hinayaan lang ni Raymond na ang kaniyang kuya ang magsalaysay ng nangyari.

“Lagpas tatlong palapag ng bahay ang taas ng baha noon! May tatlong bata pang namatay. Sina… Sino nga pala ‘yun?” dagdag pa ni Raymart sabay kalabit kay Raymond.

Nang hindi na mapangalanan ay tumawa na lang si Raymart sabay kinamot ang ulo.

“Sige, ikaw na ang magpa-interbyu,” biro ni Raymond sa kapatid.

IMG_7590 copy

Noong Pedring naman ay sa covered court din ng Bagong Silangan sila sumilong.

“Ayaw ko na dito. Ang ingay kasi,” sabi ni Raymond saka tinanong ang kaninyang ina, na kababalik lang galing sa pila ng pagkain, kung kailan sila makakauwi uli.

Nakabalik na kasi sila sa kanilang bahay noong hapon ng Lunes, pero lumikas uli ng ala singko ng umaga noong Martes. Tumaas na naman kasi ang tubig.

“Pagkain lang naman pinagkakaabalahan ko dito, e” patawang sinabi ni Raymond. Nabatukan tuloy siya ng kaniyang kuya at sinumbong sa nanay. Tinawanan lang naman siya.

Gusto na rin daw niyang pumasok sa eskwelahan. Tatlong araw na kasi silang walang pasok.

“Gusto ko talaga matuto,” idineklara niya. Umaliwalas ang mukha ng kanyang ina nang sabihin iyon ni Raymond.

IMG_7585

“Gustung-gusto ko na talaga umuwi. Wala kasi akong mga kalaro rito,” sabi niya.

“Meron kaya!” sambit ni Raymart.

“Ang konti lang kaya,” depensa ni Raymond.

Inilagay na ni Raymond ang rosaryo sa ilalim ng kaniyang sando, saka naman humarap sa mga kalaro.

IMG_7614

*Ipinasa ko ito sa isang klase, ngunit binago nang kaunti para sa blog na ito. Una ito sa dalawang blog posts patungkol sa bagyong Gener noong 2012.

About Kimberly Pauig

I enjoy taking photographs as much as I savor sleep.
This entry was posted in Community, Photo Essay and tagged , , , , , , , . Bookmark the permalink.

5 Responses to ‘Gusto ko nang umuwi’

  1. Pol says:

    Anong oras ka nagshoot? Gusto ko yung pagkagrainy. Ganda!

    Like

  2. yjournal says:

    Akala ko huminto ka na sa pagpost dito!

    Like

  3. Pingback: Typhoon Gener | Friday Madness

Leave a reply to Pol Cancel reply